TUGMA
Gagawa ako ng tula gamit ang lapis at papel kong naninirahan sa aking kuwarto.
Ako'y aakda ng mga salitang lalarawan sa mga bagay na aking nararamdaman tungkol sayo,
aking sinta.
Gagawa ako ng tula.
Para sa taong magpapasaya at magpapangiti sa aking mga labi
sa mga araw na ang nararamdaman ko'y malubha.
At pilit kong ilalagay ang bawat letra sa bawat isang linya ng tama
para malaman mong kailangan kita.
Gagawa ako ng tula.
Tungkol sa unang gabi na tatanungin kita ng "Kumusta?"
at sa pagsagot mo ng mabilis, "Ayos lang."
Gagawa ako ng tula.
Tungkol sa una nating magiging pagkikita.
Sa unang palabas sa sine na panonoorin natin ng magkasama.
Para sa unang paghigop mo sa tsaang may gatas habang kausap kita.
Oo, tititigan kita.
Pakikinggan ko ang malumanay mong boses habang namamangha, na kung bakit sa kinadami-dami ng taong umaaligid sayo na parang mga bubuyog sa isang matingkad na marisol, nandito ka.
Gagawa ako ng tula.
Kung saan nakasulat ang lahat ng aking mga sana.
Kung papalarin, at ibibiyaya ba?
Kung loloobin at hayaang alagaan ka.
Siguradong walang pagsisidlan ang saya.
Bawat hakbang ko'y kasabay ng iyo.
At ang bawat kwento mong makakabisado ko.
Sa pagtitig ko sa mga mata mo, alam ko, hindi magbabago.
Sa ginawa kong tula alam kong hindi plantsado ang bawat linya't tugma.
Pero alam kong aayos na.
Sana, dumating ka.
Comments
Post a Comment